Programang K+12: May Katuturan Ba?
Ikinintal ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa isipan ng bawat kabataan ang isang responsibilidad na iahon ang bansang Pilipinas mula sa kasadlakan sa kahirapan. Ito ay isang bisyon na maikakabit sa palasak na kasabihang, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Inaasahan ang mga kabataan na magsisilbing daan tungo sa pagkakaroon ng isang bansang matuwid. Kung kaya’t ang edukasyon ang itinuturing na pinakamabisang paraan upang mapaunlad ang Pilipinas.
Sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, hindi lahat ng mga kabataan ay nabibigyan kaagad ng trabaho pagkatapos makuha ang katibayan ng pagtatapos o diploma. Kung susuriin, ang kailangan upang mapadali ang pagkuha ng trabaho pagkatapos mapagtagumpayan ang kursong pinag-aralan ay ang nilalayong pagpapatupad ng isang programang tinatawag na K+12 sa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon
Ang K+12 ay isang programa na tumatalakay sa pagdaragdag ng dalawang higit pang taon sa pangunahing edukasyon sa bansa. Sa halip na anim na taon sa elementarya o mababang paaralan at apat na taon sa sekondarya o mataas na paaralan, madadagdagan ito ng dalawang taon pa mula sa ika-apat na antas sa sekondarya. Magkakaroon ng dagdag na mga asignatura na magpapakilala sa mga kasanayang bokasyonal at teknikal tulad halimbawa ng paghihinang, operasyon sa makina at mga pagsasanay para maging tekniko ng kompyuter at tekniko ng elektronik.
Masasabi na ang pagkakaroon ng K+12 ay magpapadali sa paghahanap ng trabaho dahil kaya na nitong makipagsabayan sa ibang bansa na hindi na kinakailangang mag-aral pa ng dalawang taon. May sapat na kaalaman na ang mga Pilipino ukol sa ibang bagay na magiging sanhi ng pagkakaroon kaagad ng trabaho na tutugma sa kanilang napagtapusan.
Tunay nga na masasalamin ang kapakinabangan at kagandahang hatid ng K+12. Sa tulong nito, mapagyayabong ng bawat kabataan ang kanilang mga kaalaman at kakayahan. Ang K+12 ang kanilang magiging matatag na pundasyon ukol sa pagkakaroon ng maayos na estado ng pamumuhay. Subalit makikita din sa K+12 ang pagsasa-alang-alang ng salapi na ilalaan sa pag-aaral ng bawat kabataan.
Bagama’t may mga kabataan sa kasalukuyan na hindi nakakapag-aral dahil sa kawalang pinansyal, isang malaking hamon sa lahat ang kung paano malulunasan at malalabanan ang kahirapan sa pamamagitan din ng edukasyon sa kasalukuyang panahon.
by Marly Nicorina Lopez

Naalis ng may-ari ang komentong ito.