Isanlibong Lumilipad [True-to-life Story]
“Kuya, kuya, nakakita ka na ba ng isanlibong lumilipad?”
- Deadma.
“Kuya, kuya..”, (kung maka-kalabit).
- “Hmm?”
“Nakakita ka na ba ng isanlibong lumilipad?”
- “Isanlibong ano?”
“Isanlibo. ‘Yung pera?”
- “Ah. Hindi pa.”
“Talaga? Kasi ako... nakakita na.”
Kung marunong kang magbasa, basahin mo ‘to. Hindi kita pinipilit, pero pakiusap lang.
Ang iyong mababasa ay kwento ng isang bata na itago nalang natin sa pangalang Dino. Kaya ko lang naman tinago kasi ‘di ko naman talaga alam ang pangalan n’ya. Isa s’yang takatak vendor na nakasabay ko sa isang jeep, na halos lahat yata ng flavor ng Dynamite na kendi ay tinda n’ya – mint, lemon, strawberry, pati yata malunggay flavor mayroon s’ya, bukod sa mga sigarilyo at mga maning hubad sa gilid ng kanyang sisidlan.
‘Di karungisan si Dino. Mapupungay ang mga mata. Makikita sa kanyang hubog na mukha at katawan ang kamusmusan na sa murang edad na sampu ay pinipilit nang maghanap-buhay.
Nakaupo kaming dalawa sa dulo ng jeep. Mahirap naman kasi kung nakatayo. Nakakatakot pa nga noong una kasi mukha s’yang magnanakaw. Bukod kasi nakatitig s’ya sa nakaluwang wallet sa aking bulsa, ay hindi pa maganda ang tingin sa akin. Naiba ang aking impresyon noong s’ya ay nagsalita nang may pumarang babae para bumaba.
“Ingat po, Ate.”
Akala ko ay kilala n’ya ang babaeng bumaba ng jeep, hanggang sa may isa pang bumaba na lalaki.
“Ingat po, Kuya.”
Sa isip isip ko lang. Aba! Kamusta naman itong bata ito. S’ya ba ang napiling tagasabi ng “Ingat.” sa mga bumababa sa jeep na ito? Nangingiti lahat ng pasahero sa kanya, hindi ko alam kung nababaitan sila o trip lang nilang ngumiti.
Sa kalagitnaan ng ingay ng tambutso.
“Kuya, kuya, nakakita ka na ba ng isanlibong lumilipad?”
- Deadma.
“Kuya, kuya..”, (kung maka-kalabit).
- “Hmm?”
“Nakakita ka na ba ng isanlibong lumilipad?”
- “Isanlibong ano?”
“Isanlibo. ‘Yung pera?”
- “Ah. Hindi pa.”
“Talaga? Kasi ako... nakakita na.”
O ‘di ba paulit ulit. Para maintindihan mo ang buong istorya.
Naglaro sa aking isipan kung ano ang mayroon sa isang libong perang papel na lumilipad. Bukod kasi sa hindi ko naman tinatanong kung nakakita na s’ya o hindi, ay napansin kong nangilid ang kanyang mga luha habang binibigkas ang kanyang punchlines.
Habang pauwi galing sa palengke, naisipan ng kanyang ina na ipapalit ang kanyang kinita para sa kanyang ipon sa pagtitinda ng isda. Isanlibo at mga barya. Ulila na s’ya sa ama dahil namatay ito ng maaga matapos s’yang ipanganak. Mayroon din s’yang nakakatandang kapatid nguni’t namatay din ito dahil sa karamdaman.
Nakakita s’ya ng nagtitinda ng dirty ice cream sa gilid ng kalsada. Humingi s’ya ng barya sa kanyang ina upang bumili. Sabi ng kanyang ina ay mauuna na itong tumawid at hihintayin na lamang sa kabilang kanto. Nang tatawid na ang kanyang inang pagod na pagod sa kalsada ay hindi n’ya napansin ang paparating na malaking traktora.
Nasagasaan ito. Nabitawan ang isanlibong perang papel na hawak, at lumipad papunta sa walang malay na anak. Tumingala si Dino sa nakitang perang papel na lumilipad na huminto sa kanyang harapan. Hindi n’ya ito pinansin.
Pagtalikod n’ya paharap ng kalsada ay nagkakagulo ang mga tao. Mga taong walang kayang gawin upang iligtas ang buhay na naghihingalo. Hinawi ng bata ang lahat ng baywang na makita n’ya hanggang sa masilayan n’ya ang kanyang inang nakahandusay sa malamig na lupa, na walang malay at patay na.
Mabilis lamang ang kanyang pagsasalaysay, kasing bilis ng tibok ng aking puso ng mga sandaling iyon.
Hindi ko na inisip kung niloloko ba ako ni Dino o hindi. Hindi ko na pinansin kung nagpapaawa ba s’ya o hindi. Hindi ko naisip kung gaano kasakit ang sinapit n’ya. Hindi ko na rin natanong kung saan s’ya nakatira at kung ilang taon s’ya noong nangyari iyon.
Ang tanging naisip ko lang ay ang ipinapakitang katatagan ng isang musmos na bata. Sa kabila ng masaklap na pangyayari sa kanyang buhay ay nakukuha pa n’yang ngumiti ng tunay at makipagkapwa-tao. Hindi n’ya naisip na ipariwara ang kanyang buhay, samantalang ang ibang kabataan ay nasasangkot pa sa masama samantalang nasa kanila na ang lahat ng kanilang kailangan at gusto – pamilya, kaibigan, edukasyon, salapi, karangyaan, pag-ibig at facebook.
‘Wag kang mag-alala. Hindi mo kasalanan ang nangyari kay Dino. Kung bakit sila mahirap at kung bakit namatay ang mga mahal n’ya sa buhay. Hindi rin n’ya ginustong maging dukha at dumi sa lipunan.
Mahalin mo ang buhay mo. Mahalin ang ina at ama at mga kapatid. Magpatawad. Mag-aral ng mabuti. Magtipid. Bawasan ang mga luho. Maghinay hinay sa pag-ibig. At gawing minsanan ang pag-o-online sa Facebook.
Walang malas na isinilang. Isa ka lang sa mga mas masuswerteng ipinanganak dito sa daigdig.
Ikaw? Nakakita ka na ba ng isanlibong lumilipad? Ako kasi hindi pa, at ayaw kong makakita kahit kailan.
“Ingat po mga Ate at Kuya.”
ni Roseller Simbulan Jr.

Posted by The Malolos Academe
on 3:01 AM.
Filed under
feature
.
You can follow any responses to this entry through the
RSS 2.0