rightcolbanner

vox populi
issuu

dailyvideo

Rated R: LIDER TAYONG LAHAT!

Ano ba ang mayroon sa isang lider o pinuno upang sundin siya ng kanyang nasasakupan? Ano naman ang nakain ng lider na ito upang pagsilbihan at ialay ang kanyang payak na buhay para sa mga taong panay ang reklamo matapos siyang iboto dahil sa hindi niya mapunan ang kanilang makamundong pangangailangan?

Ang lider ay isang buhay na simbolo ng pagbabanat ng buto at pagkatuyo ng balat dahil sa pagpapawis ng hindi mabilang na patak ng pagsusumikap upang mai-angat ang kailangang iangat sa kanyang nasasakupan.

Isipin mo nalang si Winston Churchill – ang pinaka-impluwensyal na Briton sa balat ng Inglatera, na nanguna sa pagsalu-ngat kay Adolf Hitler na nagbigay inspirasyon sa buong Britanya. Ang ginawa ni Gandhi sa India na patungkol sa non-violence, at marami pang lider ang nagpauso ng kanilang kadakilaan sa pamumuno noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Sa makabagong mundo kung saan sangkalan na lamang ang hindi touch screen, ang mga tao ay nararapat lamang na itulak ang kanilang sarili upang malaman ang mga bagay na nangyayari sa kanilang kapaligiran. Ang responsibilidad ng isang lider ay ang hikayatin ang mga taong ito at pasunurin sa landas na makakabuti para sa kanila.

Walang tamang landas. Ngunit nasa kamay ng isang tao kung papaano ito itatama. Maaaring ang landas na iyon ay tama sa paningin mo at mali naman sa akin. At vice versa. Kaya iba’t iba ang klase ng lider. ‘Wag mong ikumpara ang sarili mo sa ibang lider na pinupuri lagi ng professor o hindi kaya ang mas nakakataas sa’yo dahil iba kang tao at iba rin s’ya. Gawin mo ang paraan na alam mo - at gagawin rin n’ya ang sa kanya.

Ngayon, iniisip mo na ba ang dapat mong gawin? Isa kang lider. Sa sarili mo. Sa mga kaibigan mo. Sa mga kaklase mo. Sa pamilya mo. Sa komunidad. Sa buong mundo. Kumilos kang mag-isa. Magsama ka ng isa pa kung hindi mo kaya. Magdagdag ka pa ng marami hanggang sa makabuo ka ng lakas at kumpyansa. Sa bandang huli ay masasabi mong isang kang lider.

Isa sa pinakadakilang abilidad ng isang lider ay ang abilidad na makabasa ng kultural at emosyonal na katangian ng kanyang nasasakupan. Marunong makipag-usap at may iisang salita.

Hindi ka maituturing na isang lider kung hindi ka matapang magsalita o sumulat nang ikakakunot ng noo ng mga nakakataas sa’yo. Ang isang lider ay hindi sumusunod sa daan na alam niya ay mali.

Hihikayatin mo sila hindi dahil sa gusto mong sumikat at hindi dahil sa trip mo lang. Hihikayatin mo sila dahil ito ang gusto mo - gusto mong mangyari sa bayan mo. Ituturo mo sa musmos mong mga anak sa hinaharap ang mga panganib na dulot ng kapaligiran, mga krimen, mga ilegal na gawain, hindi dahil gusto mo siyang maging drug lord, kundi dahil gusto mong iwasan n’ya ang mga gawaing iyon.

Sa simpleng panonood mo lamang ng TV ay nagiging lider ka sapagka’t nakikialam ka sa kung ano ang mga nangyayari ng bansa. Sa isang status mo lamang sa Facebook ay maaari mo nang malaman ang latest at maaari mong ipahiwatig ang gusto mong sabihin.

Ang pagiging lider ay hindi lamang nakukuha sa mga papuri at sa dami ng leadership awards. Hindi ka maituturing na lider dahil sa gusto mong magkamit ng sangkatutak na pekeng medalya’t sertipiko. Maituturing ka lamang na isang lider kung itinutuloy mo ang nasimulang gawain upang magkaroon ng pagbabago.

Ako ay isang lider. Alam kong ikaw rin. Simulan mo ngayon matapos mong basahin ang artikulong ito. Huwag kang makinig sa iba na nagsasabing hindi mo kaya. Sa pagkakaalam ko kasi - lider tayong lahat!

by Roseller Simbulan Jr.

Posted by The Malolos Academe on 11:40 PM. Filed under . You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0

0 (mga) komento for Rated R: LIDER TAYONG LAHAT!

Leave comment

Recent Entries

Recent Comments

Photo Gallery


Designed by Solaranlagen | Customized for The Malolos Academe by J.D. Lim