rightcolbanner

vox populi
issuu

dailyvideo

Makata.rungan: MULAT NA BULAG

Yaman din lamang ang paksa ng ating pahayagan ngayon ay hinggil sa “panlipunang kamulatan” o sa madaling sabi ay social awareness, dalawang uri ng tao lamang ang nanasok sa aking isipan…

“Mulat na BULAG at Bulag na MULAT”, Magkaiba ‘yon.

Maswerte ka kung nabibilang ka sa mga taong namumulat buhat sa pagkabulag; higit na kaiba sa mga taong namumulat sa pagkabulag.

Paano mo malalaman? Tumingin ka sa paligid, mulat ka ba?

Pagmumura. Alam naman ng tao na masamang magmura, pero mistulang naging tabas na ng bibig. Kung titingnan naman ang depinisyon, hindi naman ganung uri ng ina mayroon ka para sabihan ka ng ganoon, pero bakit tinatangkilik? Bukambibig. Bukambibig na nagmula sa pagkamulat sa kanluraning kultura. Son of a … ? what the … ? at kung anu-ano pang kinamulatang ekspresyon. Ang hirap sa tao, ang hilig makimulat sa nakagisnan pero bulag naman sa kahulugan.

Pagyoyosi. Mulat naman ang tao na ang paninigarilyo o yosi ay nakakasama sa kalusugan, maaring magkakanser, makaperwisyo ng kapwa, makarumi ng kalikasan, pero bakit patuloy pa ring ginagawa? Adiksyon ang katwiran? Oo, adiksyon na binunga ng pagkamulat sa kinagawian ng lipunan na “astig at pampatanggal ng inip” ang yosi, na naging katanggap-tanggap para sa ilan kaya pinamarisan. Ang masaklap, gusto mang itigil, hirap ng alisin sa sistema.

Plastic. Hindi naman lingid sa lahat na mapaminsala ang plastic sa kalikasan, kapaligiran, at maging sa lipunan. Hindi kasi madaling mabulok ang bagay na gawa sa plastic, para ring sa tao, hindi madaling mabuko. Kabi-kabilang kampanya na ang ginagawa mapatelibisyon o radyo, mapafast-food chain na walang straw, mapaasignaturang siyensya  na sangkatutak ang inilulunsad na proyektong pangkalikasan para lang magpamulat ng NO TO PLASTIC CAMPAIGN. Mulat, pero sige pa rin sa pagtapon ng kalat kung saan-saan. Oo, me mga sumusunod at nagpapalaganap ng proyekto kontra plastic, pabalat-bunga pero pagtalikod, orocan. Kung sino pa namumuno, siya pa pasimuno.

Pre-marital. Hindi na rin panibago sa pananaw ng lipunan ang dumaraming bilang ng inflatable balloons. Masyado na kasing naging pangkaraniwan, mulat na kaya ayos lang. Hindi naman nagkulang ng paalala ang mga science books, mga magulang, guro, matitinong kamag-aral, pati pancit canton sa pagkondena ng gawaing ito pero hala, sige, “wala ng hintay-hintay”, kahit na isantabi ang responsibilidad, kapag nagustuhan, go go go! Nababawasan na nga ang moralidad, nakadaragdag pa ng mortalidad sa walang malay.

Passivity. Ito naman ang puno’t dulo ng lahat e. Mahilig kasi ang taong sumabay sa agos, kung ano ang uso, doon na lang makikiayon. Nauso ang maikling pananamit, siya namang tutularan, pagtapon ng kalat kung saan-saan, ganoon na lang din ang gagawin dahil wala naming nakakakita. Ang hirap kasi, ayaw kumilos ng naayon at may paninindigan sa sarili. Kung minsan naman aktibong kumilos, tapos biglang nauupos. Ang pagsasawalang-kibo o kilos ay nagtutulak sa pagkabulag. Hindi sapat na mamulat, sapagkat ang tao ay matagal ng mulat sa kamunduhan ngunit bulag sa pagbabago.Kahit libo-libong dokumentaryo pa ang gawin, kahit isiksik pa sa edukasyon ang pagmumulat, hindi malulunasan ang nakagisnang baluktot na pag-uugali sa lipunan kung magbubulag-bulagan lang sa mga kalagayang nakikita.

Mainam pa ang mga bulag sa karunungan, sa pag-unlad, sa edukasyong tinatamasa, sa mga may kapansanang inosente sa kamunduhang umiiral sa lipunan, kamalayan lamang ang nagpapabulag sa kanila. Samantalang ang mga mulat sa kalakaran ng lipunan, kamunduhan mismo ang bumulag sa kanilang kamalayan. Higit na kanser na mahirap ng lunasan.

Kaya’t katoto, imulat mo ang mata mo ng may paninindigan, saka ka sumagot sa akin ng tuwid, mulat ka bang bulag, o bulag kang nais nang mamulat?

ni Jarkie Miranda

Posted by The Malolos Academe on 11:38 PM. Filed under . You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0

0 (mga) komento for Makata.rungan: MULAT NA BULAG

Leave comment

Recent Entries

Recent Comments

Photo Gallery


Designed by Solaranlagen | Customized for The Malolos Academe by J.D. Lim