rightcolbanner

vox populi
issuu

dailyvideo

Huwag Mong Basahin: PATAS NA WIKA

Sa pangalawang isyu ng The Malolos A-cademe, ako’y humihingi ng pahintulot sa mga mambabasa ng aking column upang maipahayag ang aking sarili sa wikang Filipino. Matatandaan kasi na gumamit ako ng wikang Ingles para sa aking unang column ukol sa kahalagahan ng edukasyon sa nakaraang isyu. Hindi dahil tatlong buwan matapos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Agosto subalit ginusto ko ito dahil may kinalaman ang ating paksa sa wika na aking ginamit.

Kamakailan lamang, ibinalita sa telebisyon, dyaryo, radyo at internet ang paghiling ni Senador Lito Lapid sa Senado na gamitin ang wikang Filipino sa debate hinggil sa Reproductive Health Bill. Ayon kay Lapid, hindi siya makakasabay sa pagtatalakay sa pagsulong ng nasabing batas dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at hindi matatas ang pagsasalita niya sa wikang Ingles. Matatandaan na kasama ni Lapid sina Senador Pia Cayetano at Senador Miriam Defensor-Santiago sa nagpanukala ng RH Bill. Nag-aalangan siyang magsalita sa wikang Ingles lalo na’t parehas na nagtapos ng pagka-abogasya ang dalawang babaeng senador at madalas nilang gamitin ang wikang Ingles bilang paraan ng pakikipagtalastasan. 

Hindi ito naituring na isang malaking balita sa paningin ng iba. Kahit na kontrobersyal ang pagsusulong ng RH Bill, hindi pa rin ito ang bida sa ating kwento. Pero kung titignan natin ng masinsinan, hindi ba’t inuukit sa kamalayan ng bawat Juan dela Cruz ang kahalagahan ng wika lalo na ang Filipino?

Ang akala kasi ng iba, kapag naka-rinig lang na nag-i-Ingles, lalo na ‘yung may “American twang” ang isang Pilipino o ibang banyaga, tiyak na itutugon, “Ang galing n’ya, napakatalino naman!”. Pero kung ang isang tao naman ay nagsalita ng Tagalog o iba pang diyalekto, malamang ay may magtataas na ng kilay sabay sambit, “Parang walang alam ‘yan, hindi marunong mag-English.” Marami kasi, idinadaan na lang sa pagsasalita ng wikang Ingles upang masabing magaling sila, pero ang totoo – wala namang laman. 

Natatandaan ko nung sinabi ng aking guro sa Filipino sa ikalawang taon ng high school, walang superior (nakakataas) at inferior (nakakababa) na wika ang nanaig sa mundo, sa madaling salita ang antas ng lahat ng wika ay pantay-pantay. Sa madaling salita, kung ikaw ay lumaki na nagsasalita sa wikang Ingles at Filipino, hindi naglalamangan ang dalawa dahil parehas ang kanilang antas.

Kung kayo ang tatanungin, hindi ba natin siya papayagang magsalita nang hindi gumagamit ng Ingles sa debate kung may itutulong naman siya sa upang pag-usapan ang RH Bill? Hindi ba siya mamaliitin ng kanyang kapwa senador kung ang paggamit ng wikang Filipino sa Senado ay makatutulong upang magkaintindihan at maliwanagan ang bawat mambabatas sa kung papaano isasaayos ang nasabing batas? Hindi ba magiging sagabal ang pagsasalita ng matatas na wikang katutubo kung ito pala ang magiging solusyon sa problema ng paglobo ng populasyon ng Pilipinas? 

Hindi ko kinakatwiran sa sanaysay na ito na dapat ibida natin nang husto ang Filipino samantalang kakalimutan na lang nating basta-basta ang pagsasalita sa wikang Ingles o ibang wika. Maganda nga na marami tayong alam na lengguwahe. Sa totoo lang, lamang nga tayo sa ibang bansa dahil nakakapagsalita tayo higit sa isang salita. Ngunit hindi ba’t masarap pakinggan na tayong mga Pilipino ay buong laya nating ninanamnam ang bawat salita sa katutubong wika? Hindi ba’t nakakatuwang pagmasdan ang mga walls at tweets ay nakasulat sa wikang naiintindihan ng lahat ng Pilipino?

“Ang wika ang nagbubuklod sa isang bansa dahil ito ang simbolo ng pagkakakilanlan ng bawat taong nakatira rito. Kung ang bawat tao’y nagkakaintindihan sa kanyang sariling wika, tiyak na magkakaisa ang buong bansa.

by Michael Ge-Ray Punzalan

Posted by The Malolos Academe on 12:14 AM. Filed under . You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0

0 (mga) komento for Huwag Mong Basahin: PATAS NA WIKA

Leave comment

Recent Entries

Recent Comments

Photo Gallery


Designed by Solaranlagen | Customized for The Malolos Academe by J.D. Lim