rightcolbanner

vox populi
issuu

dailyvideo

Editorial: PAGKILOS SA PANAHON NG KRISIS


Tampok sa mga balita nitong nagdaang mga araw ang nagaganap na “Occupy Wall Street Movement” na nagaganap ngayon sa Amerika. Isang pagkilos ng mga mamamayan laban sa pagkaganid ng mga korporasyon at financial institutions na bahagi umano ng 1% ng lipunan na sumisira sa buhay ng milyong katao. Ang ilang buwan nilang “occupation” ay nagbunga na rin ng pag-usbong ng mga pagkilos sa iba’t ibang panig ng daigdig. Iisa ang kahilingan nila: ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang bumubo sa 99% ng lipunan at ang pagbabago sa nabubulok na sistema.

Ang mga ganitong uri ng pagkilos ay hindi na dapat ikagulat. Hindi lamang ito binunga ng isang pansamantalang kondisyon ng ekonomiya kundi isang paulit-ulit at pang-matagalang krisis sa lipunan na hindi nabibigyang lunas. Isang palalang krisis na umuugat sa isang sistemang umiiral kung saan iilan ang nakikinabang.

Hindi maaaring sabihin na ang mga pagkilos na ito ay binubuo lamang ng mga taong walang magawa sa buhay, mga kabataang nadadala ng sobrang kapusukan sa kanilang buhay o mga taong inuudyukan ng ilan upang manggulo. Hindi na kinakailangan ang mga bagay na ito dahil ang mga tao mismo ang dumaranas ng matinding pasakit na dulot ng nabubulok na sistema. Itinutulak sila ng kanilang kalagayan upang manindigan at ipaglaban ang isang mas magandang kinabukasan para sa lahat.

Marami ang nag-aakala na ang kasalukuyang sistema na ang pinakahuli at rurok ng pag-unlad ng mga lipunan sa daigdig. Ngunit malinaw na taliwas ito sa kasalukuyang nagaganap. Higit lamang nalulugmok ang maraming tao sa kahirapan. Marami ang namamatay dahil sa gutom. Malawakan ang kawalan ng disenteng hanapbuhay. Pilit man itong bigyang lunas upang mapigilan ang paglala subalit hindi ito sapat dahil nagiging isang paulit-ulit na cycle lamang ito.

Sa kabila nito, patuloy ang propaganda ng mga naghahari sa lipunan at nakikinabang sa ganitong sistema na may pag-asa pa ang lahat sa pamamagitan ng pagsisikap. Hindi kailangan ang mga pagkilos dahil nakakasira lamang ito ng ekonomiya o nagdudulot ng kaguluhan. Makuntento na lamang sa kung ano ang mayroon sa ngayon.

Pero hindi bulag, pipi at bingi ang malawak na bilang ng mga mamamayang apektado kaya patuloy ang kanilang mga nagkakaisang pagkilos: mula sa mga maralita, manggagawa, magsasaka, empleyado, kababaihan, kabataan at iba pang sektor ng lipunan. Hindi mapipigil ng anumang pandarahas at panlilinlang ang patuloy na pag-giit ng kanilang mga makatuwiran na mga kahili-ngan para sa isang magandang kinabukasan.

Posted by The Malolos Academe on 10:18 PM. Filed under , . You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0

0 (mga) komento for Editorial: PAGKILOS SA PANAHON NG KRISIS

Leave comment

Recent Entries

Recent Comments

Photo Gallery


Designed by Solaranlagen | Customized for The Malolos Academe by J.D. Lim