Para sa mga FT
Hindi madali ang buhay: iyan ang madalas na sinasabi ng mga nakakatanda sa atin. Kaya dapat raw na tayo ay makinig at matuto mula sa kanila. Sila ay dapat nating sundin dahil mas marami na silang pinagdaanan sa buhay kaysa sa atin.
Mag-aral tayo ng mabuti. Sumunod tayo sa ating mga magulang. Huwag magiging sakit ng ulo. Ang mga ito ay dapat nating gawin upang sabi nila, tayo ay maging matagumpay sa buhay. Dahil higit daw sa kanila, para sa atin din naman ito. Para daw sa oras na pumanaw sila, makakatindig tayo sa ating mga sariling paa at mayroon silang magandang kinabukasan na iiwan para sa atin.
Pero sa kabila nito, may mga tao na pumipili ng isang buhay na sa tingin ng iba’y walang patutunguhan. Sabi ng iba, isang buhay na napakamakasarili dahil tumataliwas sila sa kasalukuyang ayos at dikta ng lipunan.
Isang buhay na lubhang mahirap, minsan mapanganib, ngunit mulat nilang niyayakap ng buo. Sila ang mga taong inaalay ang kanilang buong panahon at buhay sa isang hangaring marangal na para sa ikabubuti ng lahat.
---
Isang magandang bukas daw ang kanilang ipinagpapalit. Nagsasayang lamang daw sila ng panahon dahil kahit kailan wala naman daw mangyayaring pagbabago sa lipunan. Itinatapon daw nila ang kanilang mga magagandang pangarap para sa kanilang mga sarili. Minsan, umaabot pa sa akusasyong kaya lamang nila ito ginagawa ay dahil sa kanilang kapusukan o sila daw ay nilinlang at binulag upang maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng iba.
---
Madalas na binabanggit sa mga kasama ko na kung mayroon man na higit na mahirap pagtagumpayan na laban, ito ay ang kung paano lalabanan ang isang dekadente at bulok na kulturang malalim na nakaugat at namamayani sa lipunan. Dahil higit sa pisikal na pakikipaglaban, napakahirap labanan ang isang isip na hinubog sa ilalim ng isang sistemang para lamang sa kapakinabangan ng iilan.
Kahit sa mga taong aktibong kumikilos sa lipunan, madalas na ang sarili nila ang kanilang pinakamahigpit na kalaban. Dahil sa ilang panahon din na lulong sila sa ganitong klaseng sistema, hindi maiiwasan na pana-panahon ay lilitaw ang mga dating gawi na nakakasagabal sa kanilang pagkilos.
---
Ang ganitong klaseng tunggalian ay higit na nagiging maigting sa mga taong buong panahon na kumikilos. Ang kanilang desisyon na tahakin ang ganitong buhay ay sumusubok sa mga prinsipyong pinanghahawakan nila sa buhay at katatagan bilang isang indibidwal sa harap ng iba’t ibang kontradiksyon na kanilang kinakaharap. Minsan, umaabot ito sa puntong nais na lamang nilang talikuran ang lahat, isuko ang laban at mga prinsipyo at bumalik sa isang “normal na buhay.”
Pero sabi nga nila, internal ang mapagpasya. Walang sinuman ang maaaring makapagdikta sa isang tao kung ano ba ang kanyang nararapat na gawin. Ang mga natutunann niya, nalalaman sa paligid o mga karanasan niya ay mga “external factors” lang. Siya pa rin ang maglalagom, magsusuri at magpapasya para sa kanyang sarili.
---
Sa kabila nito, laging walang kasiguraduhan. Hindi natin mabibigyan ng isang tiyak na kalagayan ang isang bagay dahil patuloy na umuunlad ito. Gaya nating mga tao, hindi natin masasabi na hanggang sa katapusan ng ating buhay ay mananatiling ganito pa rin ang ating mga pangarap, paniniwala o paninindigan.
Ganyan rin ang mga FT o full-time na kumikilos, hindi nila sinasabing hanggang sa dulo ay ganyan pa rin sila. Pero dahil sa mahigpit nilang pagtangan sa mga prinsipyo at malalim na pag-ugat sa masa at masidhing pagnanais na paglingkuran ang sambayanan, patuloy lamang sila sa pagkilos. Patuloy sila sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa. Walang pagod silang naglilingkod ng walang pag-iimbot o hinihingin kapalit. Sinasalag nila ang lahat ng klase ng atake mula sa isang lipunang pinaghaharian ng iilan at pinagsasamantalahan ang karamihan.
---
Kasama, tuloy lang. Darating ang panahon na mas lalawak ang ating hahanay at kikilos ang lahat upang makamit natin ng tuluyan ang isang mas malaya, progresibo at makataong lipunan.
by Jose Dennio Lim Jr.
by Jose Dennio Lim Jr.